Umuulan kanina sa Ayala. I'm sure umulan din sa ibang bahagi ng Maynila pero gusto kong mag-focus sa Ayala. Pauwi na 'ko galing opisina. Bitbit ang itim na payong. Tatak German ang payong ko pero mura ko lang nabili sa Robinson's Department Store. Hindi ko muna ibinuka kasi dadaan pa naman ako sa underpass. Mukha naman akong tanga kung magpapayong pa ako sa underpass.
Nagmamadali ang lahat ng tao sa Ayala. Siksikan sa sidewalk. Madaming cute. Ang hirap pumili ng pagtuunan ng atensyon. Sadyang malikot ang mga mata ko. Wala pang limang segundo, may prospect na 'ko. Ang lalaking nakasando, backpack at khaki na jeans. Nagmamadali siya. Ang haba at mabibilis ang mga hakbang niya.
Nagkunwa rin akong nagmamadali para maabutan ko siya. Lumingon. Swerte. Mabilis kong pinagmasdan ang awra niya. Puwede. Masustansya. Maaring pang-agahan sa malamig na umaga. Sakay sa escalator. Full view ang puwet niya. Mabilog. Bakat sa suot niyang medyo fit na pantalon. Ang sarap sundutin ng payong.
Kelangan kong makaisip ng paraan para maka-iskor sa kanya. Mabilis namang gumana ang utak ko. Wala siyang payong at medyo malakas ang ambon. Lalapitan ko siya't aaluking sumukob sa payong ko. Ang problema, torpe ako. Mahiyain. Walang lakas ng loob. In short, hindi ako kalandian.
Ilang beses na lumingon ang lalaking walang payong. Ilang beses ko ring tinangkang alukin siya para sumukob sa payong ko pero umiral ang pagka-torpe ko. Ilang hakbang na lang, sasakay na ako ng bus. Hanggang sa marating ko ang waiting shed. Patuloy siya sa paglalakad - walang lingon-lingon.
Pero lumingon siya nang may lumapit sa kanya na lalaking nakapayong. Ngumiti siya sa lalaking nag-alok sa kanya ng payong at sumukob sa kulay pink na payong. Inakbayan pa niya ito. Tiniklop ko ang itim na payong at mabilis na sumampa sa nakaparadang bus. Ilang sandali pa at tuluyan nang bumuhos ang malakas na ulan.
Thursday, November 3, 2011
Subscribe to:
Comments (Atom)